CAVITE, Philippines – Aprubado na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang pagsisimula ng paniningil ng toll para sa Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Subsection 3 na sumasaklaw sa rutang Silang (Aguinaldo) hanggang Governor’s Drive sa General Trias—epektibo sa Agosto 9, 2026.
Mula nang buksan ito noong Mayo 4, 2026, ang bagong bahagi ng expressway ay nagbigay ng libreng daan sa halos 9,000 motorista araw-araw, na nag-aalok ng mas maginhawa at episyenteng opsyon sa pagbiyahe para sa mga residente, manggagawa, estudyante, at mga negosyo sa probinsya ng Cavite.
Ang 7.88-kilometrong CALAX Subsection 3 ay itinayo upang magbigay ng mas mabilis na alternatibong ruta para sa mga commuter at negosyo, na umiiwas sa matinding trapiko sa mga lokal na kalsada sa kahabaan ng lumalaking industrial at residential corridors ng Cavite.
Simula sa August 9, 2026 ang mga motoristang gagamit ng CALAX Subsection 3 mula Silang (Aguinaldo) Interchange hanggang Governor’s Drive ay pagbabayarin ng mga ng halagang P35.00 para sa Class 1, P70.00 para sa Class 2, at P106.00 para sa Class 3 na mga sasakyan.
Samantala, ang mga sumusunod na toll rate naman ang ipatutupad para sa mga motoristang bibiyahe mula Governor’s Drive sa General Trias, Cavite, patungong Greenfield sa Laguna: P117.00 para sa Class 1, P234.00 para sa Class 2, at P351.00 para sa Class 3 na mga sasakyan.
Sa pagbubukas ng CALAX Subsection 3, umabot na sa 26 na kilometro ang operasyonal na haba ng CALAX, simula sa Greenfield-Mamplasan Entry sa lunsod ng Biñan, Laguna.
Kapag ganap nang natapos, inaasahang magsisilbi ang buong expressway network sa hanggang 65,000 sasakyan kada araw palalakasin nito ang koneksyon sa rehiyon at susuportahan ang paggalaw ng mga tao, kalakal, at serbisyo sa pagitan ng Cavite, Laguna, at Southern Metro Manila.
Ang CALAX ay isang mahalagang proyektong pang-imprastraktura na idinisenyo upang paikliin ang oras ng biyahe, bawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lokal na kalsada, at suportahan ang paglago ng ekonomiya sa isa sa mga rehiyong may pinakamabilis na pag-unlad sa bansa. /Ellen Apostol