Home NATIONWIDE Mga plantitos, plantitas magkakaroon ng sertipikadong landas sa karera ng urban farming

Mga plantitos, plantitas magkakaroon ng sertipikadong landas sa karera ng urban farming

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang mga plantitos at plantitas—ang grupo ng mga urban gardener na dumami at sumigla ang hilig noong panahon ng pandemya—ay maaaring magkaroon na sa lalong madaling panahon ng mga opisyal na kredensyal na tutugma sa kanilang husay sa paghahalaman.

Nabatid pa sa ulat na ang dating libangan lamang noong lockdown ay itataas na ngayon sa antas ng isang propesyong kinikilala sa buong bansa. Ito ay matapos bumuo ng limang-taong kasunduan ang Department of Agriculture (DA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang gawing pormal na bokasyong teknikal ang urban at peri-urban agriculture, na may kasamang pagsasanay sa kasanayan, sertipikasyon, at mga landas para sa karera.

Ayon pa sa Department of Agriculture layunin ng kasunduan na gawing mga sertipikadong practitioner, trainer, assessor, at maging mga tagapagturo sa agrikultura ang mga dating hobbyist lamang, habang itinataguyod ang urban farming bilang praktikal na paraan para sa seguridad sa pagkain, paglikha ng kabuhayan, at katatagan laban sa epekto ng klima.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na ang inisyatibong ito ay nakabatay sa isang katangi-tanging katangian ng mga Pilipino na higit na nakita noong pandemyang Covid-19, kung kailan ang mga rooftop at bakanteng lote ay ginawang mga produktibong taniman ng gulay.

“Naniniwala ako na ang mga Pilipino ay may natatanging kakayahan. Bigyan mo lang kami ng maliit na piraso ng lupa, rooftop, balkonahe, o kahit ilang recycled na lalagyan, at sa hindi magtatagal, tiyak na may gagawa na sa mga ito bilang isang masiglang hardin,” pahayag ni Tiu Laurel.

“Likas sa atin ang pagiging mapag-aruga. Ngayon, ang ating tungkulin ay pagsamahin ang likas na katangiang ito at ang kaalaman, kasanayan, at oportunidad,” dagdag niya.

Kaugnay nito sinabi pa ng DA na pangunahin sa ugnayang ito ang pagbuo ng Urban Agriculture Production NC II, na magtatakda ng mga pambansang pamantayan sa kakayahan (competency standards), mga regulasyon sa pagsasanay, kurikulum, at mga kagamitan sa pagtatasa, upang pormal na kilalanin ang urban agriculture bilang bahagi ng sistema ng edukasyong teknikal at bokasyonal ng bansa.

Samantala  binigyang-diin ni TESDA Secretary Jose Francisco B. Benitez—na nakatuon sa pagpapakilala ng mga inobasyon sa tech-voc—ang kahalagahan ng agrikultura sa pagpapalakas ng ekonomiya, at kung paanong ang mga kasanayan ay mahalagang instrumento upang makamit ang seguridad sa pagkain.

“Matagal nang namumuhunan ang TESDA sa agrikultura, dahil kabilang ito sa limang pangunahing sektor kung saan inilalaan natin ang pinakamaraming scholarship. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungang ito sa DA, lalo nating pinalalakas ang mga serbisyo ng TESDA na magbibigay-kakayahan sa mga Pilipino na pasukin ang urban farming, lumikha ng kabuhayan mula rito, at sa huli ay makapag-ambag sa ekonomiya,” pahayag ni Benitez.

“Ang mga kasanayan para sa agrikultura ay isang tagumpay sa maraming paraan: nagbibigay tayo ng oportunidad mula pagsasanay patungo sa trabaho (Training to Trabaho), at nakatutulong tayo para sa seguridad sa pagkain,” dagdag pa ni Benitez. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here