Bulacan – Arestado ng mga awtoridad sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) ang Top 10 Most Wanted sa Provincial Level ng Bulacan Police Provincial Office sa lungsod ng Caloocan nitong gabi ng Pebrero 1.
Sa ulat ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU), kinilala ang naarestong akusado na si alyas “Narcing”, 52, residente ng Brgy. Lias, Marilao.
Ayon sa ulat, isinilbi ang WOA ng PIU katuwang ang Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company at Caloocan City Police Office bandang 7:20 ng gabi sa Zapote road, Brgy. 178, Camarin, lungsod ng Caloocan.
Nabatid na ang WOA sa kasong Robbery na may inirekomendang piyansa na P100,000.00 na ang nasabing warrant ay inisyu noong Disyembre 19, 2025 ng Regional Trial Court Branch 121, lungsod ng Meycauayan.
Ang naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bulacan Police Provincial Office para sa tamang dokumentasyon bago ibalik ang warrant sa korteng pinanggalingan nito. Dick Mirasol III