Home NATIONWIDE Top Level na pulong para sa maayos na SONA, pinangunahan ni Recto

Top Level na pulong para sa maayos na SONA, pinangunahan ni Recto

2
0

MANILA, Philippines – Tinutukan ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang paghahanda para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.

Sa pinatawag niyang pulong ng mga opisyal ng security cluster kahapon, inatasan ni Recto ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na higit pang paigtingin ang kanilang koordinasyon ukol sa seguridad, daloy ng trapiko, at crowd management.

Isang focus ng paghahanda ay ang quick reaction sa mga insidenteng magdudulot ng abala o panganib sa mga komyuter.

Ginarantiyahan na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Presidential Security Command (PSC) ang sistema ng seguridad na kanilang ipapatupad.

“Siguruhin nating magiging mapayapa at maayos ang SONA para sa lahat …. Dapat handa tayo, magkakaugnay ang ating pagkilos, at mabilis ang ating pagtugon sa anumang sitwasyon,” ani Recto.

Binigyan-diin din niya ang kahalagahan ng balanseng pagpapatupad ng batas at paggalang sa mga karapatan ng mamamayan.

“Gawin ninyo ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang isang mapayapa, ligtas, at maayos na SONA,” dagdag ni Recto.

Ipinag-utos din ng kalihim na igalang ang konstitusyunal na karapatan ng mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin.“Igalang ang hindi pagsang-ayon, ngunit maging matatag laban sa karahasan, kaguluhan, at anumang banta sa kaligtasan ng publiko,” ayon kay Recto.

Binigyang-diin din ng kalihim na kinakailangang magkakaugnay ang pagkilos ng bawat ahensya, malinaw ang kani-kanilang tungkulin, at tuloy-tuloy ang koordinasyon at komunikasyon.

Ayon kay ES Recto, layunin ng paghahanda ng gobyernong ito na matiyak ang isang ligtas, maayos, at organisadong pagdaraos ng SONA.

Ang tunay na sukatan ng matagumpay na paghahanda ay hindi lamang ang seguridad sa loob ng SONA venue kundi maging ang kaligtasan, kaayusan, at maayos na paggalaw ng publiko sa mga nakapaligid na lugar, ayon kay Recto.

Dumalo rin sa pulong sina Cabinet Secretary Benhur Abalos, National Security Adviser Eduardo S. L. Oban Jr., PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., AFP Deputy Chief of Staff for Operations Major General Elmer B. Suderio, at PAOCC Director Teofilo Bailon.

Nakiisa rin sa pulong ang mga opisyal mula sa iba’t ibang pangunahing ahensya ng pamahalaan, kabilang sina DILG Undersecretary Nestor Sanares, MMDA Chairperson Atty. Romando S. Artes, DOTr Assistant Secretary Dioscorro Reyes, LTFRB Chairperson Vigor D. Mendoza II, LTO Chief Markus V. Lacanilao, at PSC Deputy Commander Brigadier General Zandro C. Alvez. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here