MANILA, Philippines – Mananatili sa kanyang puwesto si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng sasakyang umano’y dumaan sa EDSA Busway, ayon kay MMDA Chairman Romando Artes.
Sinabi ni Artes nitong Huwebes na inamin ni Torre na kanya ang sasakyang nakuhanan sa video, ngunit hindi pa matiyak kung siya mismo ang sakay nito nang mangyari ang insidente.
“I think meron naman pong admission si GM Torre na kanya po yung sasakyan na na-videohan na dumaan po sa busway. So, I cannot confirm kung sakay siya,” ani Artes.
Ayon sa MMDA chief, wala pang suspension order laban kay Torre at wala pang pinal na resulta ang imbestigasyon kaya magpapatuloy ito sa kanyang trabaho.
Nakatanggap din umano ang MMDA ng show-cause order mula sa Land Transportation Office (LTO) matapos lumitaw na ang plakang nakakabit sa sasakyang nasa video ay nakarehistro sa ibang MMDA vehicle.
Nauna nang sinabi ng LTO na isinuko ni Torre ang MMDA patrol vehicle na iniimbestigahan dahil sa umano’y pagdaan sa EDSA Busway at paggamit ng hindi tamang plaka.
May kapangyarihan ang LTO na magsagawa ng fact-finding investigation at mag-isyu ng show-cause orders kaugnay ng posibleng paglabag sa land transportation laws at regulations.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang mga pangyayari sa insidente at kung sino ang nagmamaneho o sakay ng sasakyan nang makunan ito sa busway. RNT