MANILA, Philippines — Naka-leave si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III simula ngayong Martes, Setyembre 8, kasunod ng kontrobersiya sa kanyang pribadong SUV na nahuling gumamit ng EDSA Busway at nagkaroon ng ilang paglabag sa vehicle regulations.
Kinumpirma ng MMDA ang leave ni Torre at sinabing maglalabas pa ito ng karagdagang pahayag hinggil sa usapin.
Nauna nang inamin ni Torre na pag-aari niya ang sasakyang nakunan ng video habang dumaraan sa EDSA Busway. Ayon sa Land Transportation Office (LTO), kasama rin si Torre sa sasakyan nang mangyari ang insidente ngunit may ibang nagmamaneho nito.
Sa imbestigasyon, natuklasan ng LTO na pribadong nakarehistro ang SUV ngunit may MMDA markings, siren at blinker. Ang red government plate na nakakabit dito ay nakatalaga umano sa ibang sasakyan na nasa inventory ng MMDA.
Nagbayad si Torre ng P14,000 multa kaugnay ng mga paglabag, kabilang ang paggamit ng EDSA Busway, plate tampering at unauthorized blinkers.
Binawi naman ng LTO nitong Lunes ang lisensya ng driver ng SUV matapos nitong matukoy ang paulit-ulit na violations at misrepresentation kaugnay ng paggamit ng sasakyan at unauthorized markings. Nananatiling impounded sa LTO Central Office ang sasakyan.
Wala pang inilalabas na personal na pahayag si Torre hinggil sa kanyang leave sa oras ng unang anunsyo ng MMDA. Dave Medina