Home NATIONWIDE Total ban ng smartphone sa oras ng klase, tinindigan ni Gatchalian

Total ban ng smartphone sa oras ng klase, tinindigan ni Gatchalian

1
0

MANILA, Philippines – Bukod sa pagsusulong ng social media ban para sa mga menor de edad sa gitna ng tumitinding karahasan sa mga paaralan sa bansa, muling isinusulong ni Senate President Win Gatchalian ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng smartphones sa loob ng lahat ng paaralan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na kabilang dito ang iba pang electronic devices sa oras ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan.

Sinundan ang pahayag ni Gatchalian ng pagsuspinde ng face-to-face classes sa isang pampublikong paaralan sa Batangas dahil sa naiulat na banta ng pamamaril.

Binalikan din ni Gatchalian ang napigilang pag-atake sa isang paaralan sa Laguna noong nakaraang Pebrero, kung saan pitong mag-aaral ang nasangkot at umano’y na-recruit ng mga foreign handlers sa pamamagitan ng online game na Roblox.

Inihain ni Gatchalian ang kanyang mungkahi sa ilalim ng Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 627), na naglalayong ipagbawal sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Senior High School ang paggamit ng smartphones at iba pang electronic gadgets sa loob ng paaralan.

Ngunit may mga exemption ang panukalang batas para sa mga gamit na pang-edukasyon, tulad ng classroom presentations at iba pang learning activities na pinangungunahan ng guro.

Pinapayagan din ang paggamit ng mobile devices at iba pang electronic gadgets para sa mga mag-aaral na may partikular na kondisyon sa kalusugan, gayundin sa panahon ng mga emergency o iba pang sitwasyong may banta o panganib.

“Maliban sa pagtiyak sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral, isinusulong natin ang smartphone ban sa mga paaralan upang matiyak nating nakatutok sila sa pag-aaral at hindi sila naaabala,” ani Gatchalian.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here