Home NATIONWIDE Trabaho Partylist ‘di pabor na bawasan ang non-working holidays

Trabaho Partylist ‘di pabor na bawasan ang non-working holidays

Naniniwala ang Trabaho Partylist na dapat panatilihin ang mga kasalukuyang non-working holiday ng bansa bilang pagkilala sa mga manggagawang Pilipino o tinatawag na rank-and-file employees.

Lubusang maaapektuhan ang kalagayan ng mga manggagawa kung babawasan ang mga non-working holiday, kaya’t iginiit ni Atty. Filemon Ray L. Javier na tagapagsalita ng Trabaho Partylist na ‘di sila pabor sa maaaring panukala rito.

Ayon kay Atty. Javier, ang pagtamasa ng holiday o pagkakaroon ng premium pay kung papasok nang holiday ay benepisyo na nakareserba para sa mga ordinaryong manggagawa o rank-and-file employees.

Giit niya, nagsisilbing daan ang mga holidays na ito upang makapagpahinga o makasahod man lang nang may dagdag premium ang mga manggagawa para sa kanilang mga inaalagaang pamilya.

Dagdag pa ng Trabaho Partylist, kaakibat sa doktrina ng holiday economics ang mga naturang holiday subalit napapalakas nito ang lokal na turismo dahil naeenganyo ang mga manggagawa na tangkilikin ang mga bakasyunan sa bansa.

Inihayag din ni Atty. Javier na maaaring magsilbing oportunidad din ang mga holiday para sa mga kumpanya upang mag-imbentaryo, mag-general cleaning o maintenance ng kanilang mga pasilidad at makina, bukod pa sa pahinga.

Iminungkahi din ng Trabaho Partylist spokesperson na ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang pagpapalamas ng ekonomiya- dapat ay makapag-imbita nang mas maraming investors, pagtitibay ng kakayahan ng mga manggagawang Pilipino, at pagpapadali ng mga proseso para sa mga negosyante- mga adbokasiyang isinusulong ng Trabaho Partylist. RNT