Home ENTERTAINMENT Trailer ng digi-serye nina Zaijan at Jane, nag-viral!

Trailer ng digi-serye nina Zaijan at Jane, nag-viral!

Screenshot

Manila, Philippines- Viral ngayon sa internet world ang trailer ng digital na serye nina Zaijian Jaranilla at Jane Oineza, ang Si Sol at si Luna.

Aliw na aliw kasi ang nga netizen sa karakter na ginagampanan ng dalawa, kung saan bibigyang-buhay nila ang pag-iibigan ng dalawang taong may malaking agwat sa edad.

Marami raw kasi ang nakaka-relate dito.

Sa Si Sol at si Luna, si Sol ay isang estudyante ng pelikula na abala sa kanyang tesis, at nagbago ang kanyang buhay nang si Luna, isang babaeng bigo ang puso.

Sa pagtatagpo ng kanilang mga landas, kinailangan nilang harapin ang magkasalungat nilang damdamin tungkol sa pag-ibig at pagkawala, na pinatitindi ng agwat ng kanilang edad.

Ang nasabing trailer ay makulay at may pulidong biswal na estilo ng direktor na si Dolly Dulu.

Si Dolly ay kilala sa kanyang pelikulang The Boy Foretold by the Stars.

Nauna nang ipinasa ni Direk Dolly ang kuwento bilang lahok sa 2025 Puregold CinePanalo Film Festival.

Bagama’t nakapasok ito sa shortlist ng 16 na pinakamahusay na lahok, hindi ito nakabilang sa pinal na lineup.

Gayunpaman, dahil sa potensyal at lalim ng naratibo, binigyang-daan ng Puregold na maisakatuparan ang proyekto bilang isang lingguhang digital na serye.

Ipinahayag ni Direk Dolly ang kanyang pasasalamat sa oportunidad na maisabuhay ang kwento.

“Lubos akong nagpapasalamat sa pagkakataong maisapelikula ang ‘Si Sol at si Luna.’ Ang saya-saya ko lang, lalo na’t libre itong mapapanood sa YouTube kaya mas malawak ang maaabot ng kwento.

“Siyempre, masaya rin ako na ito ang kauna-unahang serye ng Puregold na mas malalim ang temang tinatalakay at damdaming inihahatid.”

Sa paunang silip ng maseselang eksena ni Zaijian at sa kwentong umiikot sa isang relasyong may agwat sa edad, nangangakong maging mapangahas ang seryeng Si Sol at si Luna.

Pinagtibay naman ni Ivy Hayagan-Piedad, senior marketing manager ng Puregold, ang tiwala niya sa bisyon ni Direk Dolly: “Lagi’t laging makahahanap ng tagapakinig ang magagandang kwento, ano man ang daang tahakin nito.

“Mula pa lang sa pitch, naantig na kami sa kwento ni Direk Dolly. Ikinararangal naming mabigyan ito ng liwanag at maibahagi sa mga manonood sa pamamagitan ng retailtainment platform ng Puregold.”

Ang ‘Si Sol at si Luna’ ay sumusunod sa yapak ng iba pang digital series ng Puregold Channel gaya ng ‘My Plantito, ’52 Weeks,’ at ‘Ang Lalaki sa Likod ng Profile.’

Mapapanood na ang serye simula sa Mayo 31, Sabado, sa ganap na 7PM, sa Puregold Channel sa YouTube. JP Ignacio