Home METRO Trak bumangga sa puno; kargang pulbos, sumambulat

Trak bumangga sa puno; kargang pulbos, sumambulat

247
0

OLONGAPO CITY — Isang 10-wheeler truck ang bumangga muna sa dalawang sasakyan hanggang sa tuluyan itong sumalpok sa isang puno, dahilan upang sumambulat at kumalat sa kalsada ang puting pulbos na hindi pa natutukoy na uri umano ng kemikal sa harap ng tanggapan ng Olongapo City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) nitong Lunes ng umaga sa National Highway, Barangay Old Cabalan.

Sa inisyal na ulat, nawalan ng kontrol ang driver ng trak na bumangga muna sa isang close van at isang nakaparadang bus hanggang sa tuluyang sumalpok ito sa puno.

Sa lakas ng impact ng pagbangga, sumambulat at kumalat sa daan ang sako-sakong puting pulbos na umano’y isang uri ng hindi pa natutukoy na kemikal.

Agad namang pinakilos ng mga awtoridad ang paglilinis sa kargamentong kumalat sa kalsada. Nagdulot din ang aksidente ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Wala namang naiulat na nasaktan sa aksidente, ngunit inaalam pa ng mga awtoridad kung posibleng nawalan ng preno o naidlip ang driver ng trak.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa aksidente, ngunit mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Damage to Property ang driver ng trak. (Roel Tarayao)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here