Isang pahinante ang nasawi at isa pa ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang trak sa Cagayan de Oro noong Mayo 6, 2025, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Nangyari ang insidente matapos maihatid ng trak ang automated counting machines (ACMs) at iba pang gamit panghalalan sa tatlong bayan sa Bukidnon.
Nagpaabot ng pakikiramay si Comelec Chair George Erwin Garcia sa pamilya ng nasawi at sinabi na tatalakayin ng Comelec en banc ang posibleng tulong.
Makikipagpulong rin sila sa F2 Logistics, ang employer ng mga nasangkot.
Iginiit ni Garcia ang halaga ng kontribusyon ng mga manggagawa sa demokrasya. Wala pa ring naitalang malalaking problema sa distribusyon ng gamit panghalalan sa buong bansa. RNT