MANILA, Philippines – Hiniling ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) sa pamahalaan na itaas sa P15 kada litro ang fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) mula sa kasalukuyang P10 kada litro dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay ALTODAP president Melencio “Boy” Vargas, sa konsultasyon ng LTFRB at DOTr, pinapili sila kung mas gusto nila ang P15 fuel subsidy o P1 taas-pasahe.
“Humingi po sa amin ng consultation ang kagalang-galang natin na LTFRB at pinag-aaralan ng LTFRB at DOTr na mas lakahin yung fuel discount sa mga fuel companies. Pinapili po kami…Kung bibigyan po kami ng fuel discount na P15 po, sa amin po, ayun ang nanaisin naming kaysa po yung P1 [fare hike].”
Hiniling din ng grupo na ipatupad ang fuel subsidy sa buong bansa upang mas maraming drayber ang makinabang.
“Hinihiling lang po namin doon ay palawakin po. Kasi mayroon pong ibang lugar na wala pong discount, kaya sabi naming i-nationwide na.”
Noong Abril, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P10 kada litrong fuel subsidy para sa PUVs, na may limit na 150 litro kada linggo sa loob ng tatlong buwan, at unang ipinatupad sa Metro Manila.
Samantala, muling rerepasuhin ng LTFRB ang posibleng dagdag-pasahe habang nakabinbin ang mga hiling na P2 at P10 fare increase mula sa mga transport group.
Inaasahan din ang panibagong malaking taas-presyo ng langis sa susunod na linggo, kung saan maaaring tumaas ang diesel ng P6 hanggang P6.50 kada litro at gasolina ng P5.50 hanggang P6 kada litro. RNT/MDS