Home NATIONWIDE Trial, ‘di dismissal nakasaad sa Saligang Batas sa impeachment cases – House...

Trial, ‘di dismissal nakasaad sa Saligang Batas sa impeachment cases – House prosecutors

3
0

MANILA, Philippines – Hindi pinahihintulutan sa ilalim ng 1987 Constitution ang Senate impeachment court na ibasura ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte nang hindi muna sumasailalim sa paglilitis at pagpapakita ng mga ebidensya.

Ito ang binigyang-diin nina House impeachment prosecutors Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel Diokno nang tanungin ukol sa posibilidad na talakayin ng Senado ang isang motion to dismiss bago pa man mapakinggan ang panig ng prosekusyon.

“Our position has always been, and this dates back to last year, that the function and duty of the Senate is to conduct a trial, to hear the evidence and then come up with a decision,” pahayag ni Diokno.

Ayon sa mambabatas na isa ding batikang abogado na ito lamang ang natatanging obligasyon at direksyon na dapat tahakin ng Senado kapag umupo na ito bilang isang impeachment court.

“Yun lang dapat ang maaaring gawin ng ating Senado bilang impeachment court,” dagdag pa ni Diokno.

Sinegundahan naman ito ni De Lima na nagsabing ang pagbabasura sa kaso sa ganitong yugto ay hayagang paglabag sa Saligang Batas dahil hindi pa nabibigyan ng pagkakataon ang prosekusyon na ilatag at patunayan ang kanilang reklamo.

“It would go against the letter and the spirit of the Constitution if madi-dismiss at this point, even before the trial itself, even before the presentation of evidence and evaluation of evidence,” ani De Lima.

Giit ng House prosecution panel, sa oras na maipadala na ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado, malinaw ang itinakdang proseso sa Konstitusyon, ito ay kailangang magkaroon ng paglilitis kung saan ang mga ebidensya ay ipiprisinta, susuriin, at ititimbang ng mga senator judges.

Nanindigan sina de Lima at Diokno na hindi pwedeng desisyunan ang hirit ng depense team  na “kawalan ng ebidensya” kung hindi pa man lang pinapayagang humarap ang mga saksi at ilatag ang mga dokumento ng prosekusyon.

“The mandate of the Senate is to try and decide impeachment cases,” diin ni De Lima.

Samantala, nagpahayag naman ng kumpiyansa si De Lima na kapwa papayagang makibahagi ang mga public at private prosecutors sa pagharap ng mga testigo.

“We are confident that both public prosecutors and private prosecutors will be allowed to participate in the witness presentation, wala po sa Senate Rules of Procedure on Impeachment na pinagbabawal ‘yan.” paliwanag ni de Lima.

Aniya, sa mga nakaraang impeachment trial sa bansa ay kinilala ang tulong ng mga pribadong abugado at malaki ang naitutulong nito.

Ang pagharap ng private prosecutors sa witness presentation ay tinututula ng defense team. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here