MANILA, Philippines – Maaaring umabot ng hanggang trilyong piso ang pagkalugi mula sa maanomalyang flood control projects, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon sa nagpapatuloy na Senate Blue Ribbon Committee sa kanilang imbestigasyon sa kwestyunableng pag-gasta sa imprastraktura.
Inihayag ito ni Dizon nang tanungin ni Senator Bam Aquino kung tinatayang aabot ng ‘tens of billions’ o posibleng ‘hundreds of billions’ ang nawawala o ninakaw sa taumbayan.
Ipinaliwanag din ng kalihim na ang Independent Commission for Infrastructire (ICI) na binuo sa ilalim ng Executive Order 94 ang inatasang sumuri sa flood control projects mula sa nagdaang sampung taon.
Sinabi ng kalihim na ang laki ng mga anomalyang natuklasan sa ngayon ay kinabibilangan ng parehong “ghost projects” at substandard na konstruksiyon na sertipikadong natapos na.
Binanggit niya na ang mga kasong falsification ay naihain na laban sa ilang indibidwal noong nakaraang linggo.
Pagtitiyak sa publiko, sinabi ni Dizon na ang ahensya ay naghahanda na mag-publish ng kanilang mga unang natuklasan sa loob ng isa hanggang dalawang linggo sa pamamagitan ng isang dedikadong transparency portal. Jocelyn Tabangcura-Domenden