Home METRO Truck na may dalang relief goods para quake victims, nahulog sa bangin

Truck na may dalang relief goods para quake victims, nahulog sa bangin

3
0

DAVAO OCCIDENTAL — Nahulog sa bangin ang isang truck na may kargang relief goods na nakalaan para sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol sa bayan ng Jose Abad Santos matapos umano itong mawalan ng preno sa Don Marcelino.

Batay sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabi ng Police Regional Office-Davao (PRO-11) na ang sasakyan ay mula sa Davao City at bahagi ng convoy ng mga content creator na nagsasagawa ng relief mission para sa mga naapektuhang residente.

Nangyari ang insidente sa Sitio Sinugpang habang binabagtas ng truck ang pababa at palikong kalsada. Ayon sa paunang impormasyon, nawalan umano ng preno ang sasakyan dahilan upang mahulog ito sa bangin.

Nakaligtas ang driver at ang kanyang pahinante ngunit nagtamo ng mga sugat. Nagkalat naman sa lugar ang mga relief goods na karga ng truck.

Dahil sa insidente, humingi ng paumanhin at pang-unawa ang mga content creator sa mga residente ng Jose Abad Santos dahil hindi naipagpatuloy ang paghahatid ng tulong.

Sa kabila nito, nagpasalamat pa rin si Jose Abad Santos Mayor Jason John Joyce sa mga indibidwal at grupong naglunsad ng inisyatiba upang makatulong sa mga naapektuhan ng lindol. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here