Home HOME BANNER STORY Tsina sinisingil ng P60M danyos ng AFP sa Ayungin Shoal incident

Tsina sinisingil ng P60M danyos ng AFP sa Ayungin Shoal incident

MANILA, Philippines – Sinisingil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng P60 milyon ang China bilang bayad sa pinsala at pagkalugi ng mga kagamitan mula sa harassment ng China Coast Guard (CCG) sa rotation and resupply mission ng Maynila para sa mga tropang Pilipino sa Ayungin Shoal noong Hunyo 17.

Sa isang panayam, sinabi ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. na ginawa niya ang kahilingan sa isang liham na ipinasa kay Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Ipapadala ni Teodoro ang liham sa Department of Foreign Affairs, na siyang magpapaalam naman sa China.

“Dun sa aking sulat I demand the return of seven firearms, yung pong mga baril na yun ay kinuha ng mga China Coast Guard na naka-box, naka-box kasi yung mga armas na yun kaya’t dinampot na lang nila yung mga pitong riple at sinira nila yung ating mga kagamitan and when we estimate the cost of the damage its PHP60 million,” sabi niya.

Bukod sa pitong rifle, sinabi ni Brawner na dalawa sa rigid-hull inflatable boat ng Pilipinas na sangkot sa misyon ang nasira rin ng mga tauhan ng CCG.

Dagdag pa ni Brawner na tinitignan din nila na pasagutin sa Tsina ang gastos sa medical procedure para kay Seaman First Class Jeffrey Facundo na nawalan ng daliri sa nasabing insidente. RNT