Home NATIONWIDE Tsina: Walang isyu sa ‘freedom of navigation’ sa S. China Sea

Tsina: Walang isyu sa ‘freedom of navigation’ sa S. China Sea

MANILA, Philippines- Sa kabila ng paulit-ulit na pagsasagawa ng ​mapanganib na maniobra laban sa Philippine vessels sa karagatan, naniniwala ang China na “there is no issue with regard to the freedom of navigation in the South China Sea,” kung saan kinuwestiyon nito ang aksyon ng Pilipinas at mga kaalyado nito sa pagbuo ng multilateral maritime cooperation.

Inihayag ito ni Mao Ning, Foreign Ministry spokesperson ng China, nitong Miyerkules kasunod ng pag-anunsyo ni US National​ Security Adviser Jake Sullivan na inaasahan ang mas maraming joint patrols sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa West Philippine Sea.

Nauna nang sinabi ni Mao na kontra ang China sa “groupings” ng mga bansa sa nakatakdang pulong nila Pangulong Marcos, US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa White House upang siyasatin ang maritime partnership, at iba pa.

“With the concerted efforts of China and ASEAN countries, the South China Sea has been generally peaceful and stable,” anang opisyal.

Layunin ng pulong nina Marcos, Biden at Kishida sa Washington ngayong Huwebes na tugunan ang mga isyu sa West Philippine Sea, kabilang ang kaligtasan ng mga sundalong nagpapatrolya sa katubigan at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino sa kanilang traditional fishing ground. RNT/SA