MARIING kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang pahayag ni Ka Eric Celiz na nagbitiw si Mayor Benjamin Magalong sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil umano sa panggigipit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Para kay Goitia, ang ganitong mga pahayag ay kasangkapan ng panlilinlang na layong baluktutin ang katotohanan at lasunin ang tiwala ng taumbayan.
“Si Mayor Magalong mismo ang nagpaliwanag na siya’y nagbitiw sa puwesto upang pangalagaan ang integridad ng pamahalaan kontra korapsyon. Ito ay kanyang personal at may prinsipyong desisyon,” ani Goitia.
“Ang bersyon ni Ka Eric na may utos ang Pangulo na itigil ang imbestigasyon o kaya’y tumanggi si Magalong na makipagpulong sa Malacañang ay pawang kasinungalingan. Walang ganoong utos mula kay Pangulong Marcos. Ito ay nilikhang maghasik ng kalituhan at magpahina sa integridad ng bayan,” dagdag ni Goitia.
Binigyang-diin din ni Goitia na kilala na si Ka Eric Celiz sa paulit-ulit na pagpapakalat ng mga kuwentong walang batayan.
“Hindi na ito bago. Ilang beses nang nagpasikat si Ka Eric sa pamamagitan ng mga mapanirang sabi-sabi na agad ding bumabagsak kapag sinusuri. Ang kanyang rekord ay malinaw na nagpapakita ng padalos-dalos na mga paratang na walang pruweba. Hindi siya whistleblower, kundi imbentor ng mga kuwento,” ani Goitia.
Kaugnay nito, pinabulaanan din ni Goitia ang tsismis na sinadyang isnabin ni Magalong ang Pangulo.
“Ang Tanggapan ng Pangulo ay hindi palengke ng tsismis. Ang paggawa ng kwento tungkol sa mga umano’y pagtanggi ay kababawan at kawalang-galang,” ani Goitia. “Si Mayor Magalong ay taong may integridad. Nararapat na igalang ang kanyang desisyon at hindi gawing drama ng mga taong nabubuhay sa iskandalo.”
Mariing binatikos din ni Goitia ang tangka ni Ka Eric na isabit ang Sandatahang Lakas sa kanyang mga kuwento.
“Maging malinaw tayo: iresponsable ang gamitin ang AFP bilang props ng kasinungalingan at haka-haka,” babala ni Goitia. “Iisa lang ang sagradong tungkulin ng ating mga sundalo: ang ipagtanggol ang Republika sa ilalim ng sibilyang pamumuno. Ang pagpapakalat ng tsismis na sila’y balisa o nagbabalak tumiwalag sa gobyerno ay insulto sa kanilang dangal. Nagtatanim ito ng takot sa halip na tiwala at pinahihina ang institusyong nagbabantay sa ating demokrasya. Ang mga naglalapastangan sa karangalan ng ating uniformed personnel gamit ang mga kasinungalingan ay dapat managot.”
Nilinaw din ni Goitia na bagama’t may kalayaan sa pananalita, hindi sakop nito ang sadyang kasinungalingan.
“Linawin natin: ang kalayaan sa pananalita ay hindi kalayaan para magsinungaling,” ani Goitia.
“Si Ka Eric at ang mga katulad niya ay iniisip na basta sila’y nagsasalita ay bahagi iyon ng demokrasya, pero kung ang mga salita ay nakabatay sa kasinungalingan at layong manggulo, iyon ay hindi demokrasya. Iyon ay sabotahe, at ang sabotahe ay hindi kailanman dapat ituring na kalayaan,” ayon pa kay Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. RNT