MANILA, Philippines – Nangunguna sa mga isyung nais talakayin ng mga Pilipino sa nalalapit na 2025 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkontrol sa inflation, ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey.
Sa 1,200 respondents mula sa buong bansa, 32.9% ang nagsabing ito ang pangunahing isyung dapat tutukan ng Pangulo sa kanyang SONA sa Hulyo 28. Sinundan ito ng pagtaas ng sahod (13.6%), at peace and order (13.2%).
Kasama rin sa mga tinukoy na alalahanin ang pagpapalawak ng trabaho (9.8%), pagbawas ng kahirapan (7.4%), tulong sa sektor ng agrikultura (4.1%), pagpapatuloy ng ayuda (2.8%), at pagtugon sa korapsyon (2.4%).
Sa regional breakdown, nangingibabaw ang inflation sa Metro Manila (37.8%) at Visayas (44.7%), habang peace and order naman ang pangunahing isyu sa Mindanao (31.3%).
Sa socioeconomic classes, inflation din ang nangunguna sa lahat ng antas — mula Class ABC (31.4%) hanggang Class E (25.3%).
Ayon pa sa Pulse Asia, tumaas ang antas ng awareness ng publiko sa mga nakaraang SONA ni Marcos mula 69% noong 2024, patungong 78% ngayong taon.
Isinagawa ang face-to-face survey mula Hunyo 26 hanggang 30, 2025, na may ±2.8% margin of error at 95% confidence level. Walang political party o organisasyong nag-komisyon ng naturang pag-aaral, ayon sa Pulse Asia. Kris Jose