Home METRO Tulong itinulak sa Gen. Trias, bagong PGH, tinitingnan sa Cavite

Tulong itinulak sa Gen. Trias, bagong PGH, tinitingnan sa Cavite

60
0

CAVITE, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang distribusyon ng tulong mula sa gobyerno sa General Trias City, Cavite, habang inaanunsyo ang mga plano para palawigin ang healthcare access sa lalawigan sa pamamagitan ng bagong Philippine General Hospital (PGH) facility.

Sa isinagawang “Bawat Bayan Makikinabang” event, sinabi ng Pangulo na ang financial assistance at rice aid ay ikinasa upang palakasin ang suporta para sa mga komunidad sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at kalakal.

Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang local government units (LGUs) ng pondo mula sa Local Government Support Fund, na may kondisyon na magbibigay ng rice assistance sa mga residenteng nangangailangan.

“Bawat dalawang buwan may 10 kilo ng bigas para naman matiyak natin ang food supply ng ating mga kababayan,” ang sinabi ng Pangulo.

Ang pamamahagi ng bigas ay nakatakdang ipatupad ng anim na beses kada taon, gamit ang beneficiary lists na tukoy ng LGUs.

Idagdag pa rito, naglaan naman ang Socio-Civic Projects Fund ng P200,000 kada barangay, kalahati nito ay popondohan ang scholarships para sa mga estudyante sa ilalim ng Presidential Scholars Program.

Sinabi ng Pangulo na ang inisyatiba ay naglalayong ihatid kapuwa ang agarang ‘relief at long-term support’ sa pamamagitan ng edukasyon.

Inanunsyo rin ng Pangulo ang mga plano para sa isang bagong PGH facility sa Carmona, Cavite, na inaasahan makapagpapahusay sa access sa public healthcare services sa mabilis na pag-unlad ng lalawigan.

“Mag-groundbreaking daw kami nitong Mayo… isang PGH na hospital sa Carmona,” anito, tinukoy ang impormasyon mula kay Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, isang dating Cavite governor.

Ang panukalang ospital ay inaasahan na magkakaroon ng 200 beds at makapagsisilbi sa mga residente ng Cavite at kalapit na lugar. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here