MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Pro Tempore Win Gatchalian na ituon ng pamahalaan at mga lider ng bansa ang kanilang pansin sa agarang pangangailangan ng mga Pilipinong nahaharap sa matitinding pagsubok sa buhay sa halip na malunod sa usaping pulitikal.
Ito ang naging pahayag ng senador matapos niyang personal na maghatid ng tulong sa libu-libong pamilyang nawalan ng tahanan sa magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Maynila. Ayon kay Gatchalian, maraming pamilya ang patuloy na nahihirapang makabangon dahil sa pagkawala ng tirahan, mataas na presyo ng mga bilihin, at kakulangan sa kabuhayan.
Bilang bahagi ng kanyang relief effort, namahagi si Gatchalian ng 3,100 sako ng bigas para sa 2,984 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Parola Compound sa San Nicolas noong Mayo 23. Nagbigay rin siya ng 150 sako ng bigas sa 134 pamilyang biktima ng sunog sa Baseco Compound sa Port Area noong Mayo 30, kabilang na ang iba pang mga residenteng naapektuhan ng mga naunang sunog mula Pebrero hanggang Mayo.
“Iwan na natin ang mga pamumulitika sa Senado at magpokus na sa trabaho. Hindi na makakapaghintay ang ating mga mahihirap na kababayan. Ngayon na nila kailangan ng tulong,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin ng senador na ang tunay na sukatan ng serbisyo publiko ay ang mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng sakuna. Aniya, dapat magpatuloy ang paglilingkod sa loob at labas ng Senado upang matulungan ang mga pamilyang nagsisikap makabangon mula sa mga trahedyang kanilang naranasan.
Kasabay nito, sinabi ni Gatchalian na isa sa kanyang pangunahing prayoridad ang paghahanap ng mga solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na lalo pang nagpapabigat sa kalagayan ng mga pamilyang mababa ang kita at mga biktima ng kalamidad. JAY Reyes