Home NATIONWIDE Tuloy-tuloy na reporma ng pamahalaan tiniyak ni PBBM

Tuloy-tuloy na reporma ng pamahalaan tiniyak ni PBBM

3
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules ang matatag na paninindigan ng kanyang administrasyon na ipagpatuloy ang mga repormang magpapabuti sa buhay ng bawat Pilipino, magpapalakas sa ekonomiya, at titiyak na walang komunidad ang maiiwan sa pag-unlad, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa paglulunsad ng Bawat Bayan Makikinabang at National Government–Bangsamoro Government Convergence Program sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, hinikayat din ng Pangulo ang mga Pilipino na maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod ng kalusugan, kabuhayan, at patuloy na pag-unlad ng kanilang mga komunidad.

“Sa pagpapatuloy, nananatiling matatag ang Administrasyong ito sa pagpapatupad ng mga repormang magpapabuti sa kalidad ng buhay ng bawat Pilipino, magpapalakas sa pundasyon ng ating ekonomiya, at titiyak na walang komunidad ang maiiwan,” wika ni Pangulong Marcos.

“Kaugnay nito, nananawagan din kami sa bawat Pilipino na maging aktibong katuwang sa layuning ito. Sulitin ninyo ang mga oportunidad na ito upang mapangalagaan ang inyong kalusugan, mapatatag ang inyong kabuhayan, at makapag-ambag sa patuloy na pag-unlad ng ating mga komunidad,” pahayag pa ng Pangulo.

Tampok sa programa ang paglulunsad ng National Government–Bangsamoro Government Convergence Program, kung saan isinagawa ang simbolikong turnover ng humigit-kumulang P3.4 bilyong halaga ng mga proyekto at tulong na magpapalakas sa ugnayan ng pambansang pamahalaan at ng Bangsamoro Government, magpapahusay sa paghahatid ng serbisyo, at magsusulong ng inklusibong kaunlaran sa BARMM.

“Sama-sama nating itaguyod ang isang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay namumuhay nang may dignidad, natutupad ang kanilang mga pangarap, at nakikibahagi sa pangmatagalang kapayapaan at inklusibong pag-unlad,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.

Pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng National Government–Bangsamoro Government Convergence Program, kabilang ang turnover ceremony ng humigit-kumulang P3.4 bilyong halaga ng mga proyekto at tulong.

Dumalo sa programa ang mga opisyal ng BARMM, kasama sina Chief Minister Abdulraof Macacua, Bangsamoro Transition Authority Speaker Mohammad Yacob, miyembro ng Parliament, BARMM Ministry of the Interior and Local Government Minister Jordan Bayam, at mga mayor.

Ayon sa mga tagapag-organisa, ipinapakita ng Convergence Program ang magkatuwang na pangako ng Bangsamoro Government at ng pambansang pamahalaan na palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang pamahalaan, pagbutihin ang paghahatid ng serbisyo, at isulong ang inklusibong kaunlaran sa buong Bangsamoro Region.

Habang nagpapatuloy ang paglalakbay ng BARMM tungo sa pangmatagalang kapayapaan, pag-unlad, at inklusibong kaunlaran, ipinakikita ng inisyatiba na ang mas matibay na ugnayan ng Bangsamoro Government at ng pambansang pamahalaan ay magdudulot ng pangmatagalan at makabuluhang benepisyo para sa mamamayang Bangsamoro. (KRIS JOSE) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here