MANILA, Philippines — Dumami ang mga tumataya sa lotto matapos ipatupad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mas mataas na minimum jackpot prizes, ayon sa ahensya nitong Sabado.
Batay sa datos ng PCSO, umabot sa ₱413.83 milyon ang kabuuang lotto sales mula Pebrero 1 hanggang 7, 2026, mas mataas ng 38.3% kumpara sa ₱299.17 milyon sa kaparehong panahon noong 2025.
Kasabay nito, tumaas din ng 10.7% ang bilang ng mga nabentang lotto tickets year-on-year, indikasyon ng mas malawak na partisipasyon ng publiko matapos ilunsad ang mas mataas na panimulang jackpot sa mga pangunahing lotto games.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, mas naging kaakit-akit sa mga manlalaro ang mas malaking premyo mula pa lamang sa unang draw.
“Ipinapakita ng malakas na pagtaas ng lotto sales na positibo ang pagtanggap ng publiko sa mas mataas na minimum jackpots,” ani Robles. “Mas exciting at rewarding ang laro habang nananatiling patas at transparent ang sistema.”
Dagdag pa niya, ang pagtaas ng kita ay direktang nakatutulong sa mandato ng PCSO na pondohan ang mga programang pangkalusugan, medikal, at serbisyong panlipunan ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ng PCSO na ang enhanced jackpot structure ay bahagi ng modernisasyon ng lotto system at pag-angkop nito sa international gaming standards.
Pinayuhan naman ng ahensya ang publiko na tumaya nang responsable at iwasan ang illegal gambling upang hindi lamang maiwasan ang panlilinlang kundi makatulong din sa pagpapatuloy ng mga serbisyong panlipunan ng gobyerno. RNT/JGC