MANILA, Philippines – Binaril-patay ang isang Korean natonal matapos pagnakawan sa Barangay Anunas, Angeles, Pampanga nitong hapon ng Linggo, Abril 20.
Agad na kinondena ni Mayor Carmelo Lazatin Jr. ang krimen at inatasan ang mga awtoridad na resolbahin ang kaso sa loob ng 72 oras.
Inatasan din nito si acting city police director Col. Joselito Villarosa Jr. na “exhaust all means necessary to swiftly identify and apprehend the suspect.”
Sinabi rin ni Lazatin na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang seguridad ng kapwa mga residente, lokal at dayuhang turista.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente 1:50 ng hapon sa Friendship Highway, sa harap ng isang banko na matatagpuan sa Korean Town.
Kinilala ang biktima sa apelyido nitong Kim na nakatayo sa harap ng Bank of the Philippine Islands (BPI) Friendship branch nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng Yamaha Nmax na motorsiklo.
Sinubukang agawin ng back ride ang bag ng biktima ngunit pumalag si Kim.
Dahil dito ay binaril ang biktima at agad na tumakas ang mga suspek.
Agad isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Inilarawan ng mga saksi ang mga suspek na may suot na jacket, pants, helmet, at reflectorized vests.
Ito ang kauna-unahang robbery incident na may nasawi sangkot ang isang Korean national.
Ang huli ay noon pang Pebrero 18, 2014 kung saan binaril-patay din ang isang turistang Koreano. RNT/JGC