MANILA, Philippines – Nahaharap sa reklamong rape at attempted rape ang isang two-star general ng Armed Forces of the Philippines matapos na pagsamantalahan ang dalawang sundalo sa kanilang kwarto matapos mag-inuman.
Sa CCTV footage, nakita ang grupo ng mga sundalo, kabilang ang isang general, na dumating sa San Fernando Air Base sa Lipa, Batangas, gabi ng Enero 29.
May nakita pang video kung saan lumabas ang dalawang sundalo sa quarters ng senior officer na umiiyak.
Makikita ang kanilang lieutenant na kinakausap ang mga ito. Dito na iniulat ng dalawa ang insidente.
Sinabi ng complainants sa kanilan affidavit na hiniling ng general sa kanila na matulog sa kanyang kwarto.
Dito na nangyari ang panghahalay ng heneral.
Itinanggi naman ng opisyal ang alegasyon laban sa kanya. Aniya, imposibleng mangyari ang sexual assault dahil maaari siyang labanan ng mga complainant.
“Complainants are strong, able-bodied military officers who could easily overpower me…They are not under duress nor did I use a firearm or any bladed weapon, nor I use force, threat, or intimidation against their will,” saad sa counter affidavit ng heneral.
“They could have easily left my room, as they had free access to the door or used force to prevent the unlawful act,” dagdag pa.
Sinabi naman ng abogado ng complainant na maaari ring mangyari ang rape sa mga kalalakihan.
“Yung pang-aabuso, yung panghahalay, pwede siyang mangyari kahit kanino. Pwedeng mangyari sa babae, pwedeng mangyari sa lalaki, pwedeng mangyari kahit sa mga matitipunong mga sundalo,” ayon kay Atty. Nico Robert Martin.
“They are undergoing counseling. But you know, bilang sundalo, kasi trained sila para maging isang sundalo, pumapasok sila. Araw-araw silang nag-report for duty, nagtatrabaho sila,” pagpapatuloy nito.
Kumuha ng libreng legal assistance ang mga complainant mula sa Unified Legal Service ng Korte Suprema.
Inalis na sa pwesto ang heneral at inilagay sa restrictive custody ng Philippine Air Force.
Sa imbestigasyon naman mula sa Armed Forces of the Philippines Office of Ethical Standards and Public Accountability, may nakitang prima facie evidence na magtutulak sa heneral na humarap sa pre-trial investigation.
Samantala, hawak na ni AFP Chief-of-Staff General Romeo Brawner Jr. ang resulta ng inisyal na imbestigasyon.
“For review na po siya and signature po ng ating chief-of-staff. Siya rin po ang ating convening authority. And the case is currently awaiting his approval for the referral doon sa ating general court-martial,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla.
“Yun pong ating accused will face trial under Articles of War 96, ito pong conduct unbecoming of an officer and a gentleman. And [Articles of War] 97, conduct prejudicial to good order and military discipline,” dagdag pa niya.
“Zero tolerance po tayo for any form of misconduct such as this po.” RNT/JGC