MANILA, Philippines – Nagsuspinde ng face-to-face classes ang University of the East – Manila ngayong hapon dahil sa umano’y bomb threat.
Sa social media post ng unibersidad, sinabi nitong alas-tres ng hapon ay nagpatupad sila ng asynchronous classes, matapos unang suspendihin ang face-to-face classes kaninang ala-una ng hapon.
Magpapatuloy naman ang klase ng College of Law at Graduate School sa pamamagitan ng online synchronous sessions.
Pinapayuhan ang mga estudyante na makipag-ugnayan sa kani-kanilang professors at instructors.
Hindi binanggit sa opisyal na post ng UE Manila ang dahilan ng suspensyon, ngunit may mga post na nagsasabing nagkaroon umano ng bomb threat sa unibersidad.
Naglabasan din sa social media ang larawan ng isang yellow pad na may nakasulat na pagbabanta ng bomba na nakuha umano sa toilet ng mga babae.
Wala pa namang opisyal na pahayag ang Manila Police District kaugnay sa insidente, kung ano ang ginawa nilang aksyon at ang kasalukuyang status ng unibersidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden