Home NATIONWIDE Ulan ni Basyang sa Northern Mindanao lampas sa ‘rare 100-year level’ —...

Ulan ni Basyang sa Northern Mindanao lampas sa ‘rare 100-year level’ — PAGASA

225
0

MANILA, Philippines — Lumagpas sa tinatawag na 100-year return period ang dami ng ulan na ibinuhos ng Bagyong Basyang sa Northern Mindanao, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa pahayag ng PAGASA, sinabi nitong ang matinding pagbaha sa Iligan City ay dulot ng katamtaman hanggang malakas na ulan na hindi na kinaya ng mga ilog at drainage system.

“Ang naitalang dami ng ulan ay lumampas sa 100-year return period, ibig sabihin ay may isang porsiyentong tsansa lamang kada taon na mangyari ang ganitong uri o mas malalang extreme rainfall,” ayon sa ahensya.

Ayon sa Global Facility for Disaster Reduction and Recovery (GFDRR), hindi nangangahulugang minsan lang sa isang siglo mangyayari ang 100-year flood, kundi may maliit na posibilidad na maulit ito kahit sa magkakasunod na taon, bagama’t nananatiling bihira.

Iniulat ng PAGASA na mahigit 350 millimeters ng ulan ang naitala sa ilang upstream areas sa Northern Mindanao, na nagdulot ng malawakang pagbaha, pinsala sa mga komunidad, paglikas ng libo-libong residente, at pagkasawi ng ilang indibidwal.

Batay sa 24-oras na rainfall data noong Biyernes, ilan sa pinakamataas na naitalang ulan ay mula sa Doroteo D. Lloren ARG (383 mm), Juan Tabla ARG (361 mm), at Hindang ARG (354.5 mm).

Dagdag pa ng ahensya, ipinakita ng satellite images na malawak ang dalang ulan ni Basyang sa Mindanao at Visayas, dahilan upang maglabas ng mga rainfall warning at flood advisories.

Samantala, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na umabot na sa 12 katao ang nasawi dahil sa bagyo. Isinailalim naman sa state of calamity ang Iligan City matapos maapektuhan ang mahigit 3,800 pamilya ng matinding pagbaha. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here