NEW YORK CITY, USA – Bumoto ang United Nations (UN) noong Biyernes upang itaguyod ang paggamit ng Equal Earth projection, isang world map na mas tumpak na nagpapakita ng tunay na laki ng mga kontinente kumpara sa matagal nang ginagamit na Mercator map.
Pinangunahan ng Togo ang hakbang bilang bahagi ng kampanya ng African Union na mabawasan ang paggamit ng 16th-century Mercator map, na nagpapalaki sa itsura ng mga lugar na malapit sa North at South Pole.
Sa Mercator map, halos magkasinglaki ang Greenland at Africa, kahit na humigit-kumulang 14 na beses na mas malaki ang Africa.
“A fair world begins with a fair map,” pahayag ni Togo Foreign Minister Robert Dussey bago ang botohan.
Ipinasa ng UN General Assembly ang resolusyon sa botong 164 pabor, isa laban at anim na abstention. Ang Estados Unidos lamang ang bumoto laban, dahil sinabi nitong itinutulak nito ang isang “ideological agenda” at nakagagambala sa mas mahahalagang usapin tungkol sa pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran.
Hindi naman legal na nagbubuklod ang resolusyon at hindi nito ipinagbabawal ang paggamit ng Mercator projection para sa maritime at aerial navigation, kung saan nananatili itong angkop.
Ayon kay Dussey, plano ng Togo na palitan ang Mercator map sa kanilang mga school geography materials bago matapos ang taon.
“Togo will be the first country to change our own geography books,” ani Dussey. “In the classroom, we need to change it to give an example to all the countries in the world.”
Hihikayatin din ng Togo ang ibang bansa, paaralan, international organizations at technology companies na gumamit ng Equal Earth projection.
Sa susunod na anim na buwan, makikipagpulong ang Togo sa mga miyembro ng African Union at iba pang supporters upang pag-usapan ang mas malawak na paggamit ng bagong projection, kabilang ang mga kumpanyang nagpapatakbo ng mapping at GPS technologies.
Ayon kay Dussey, bahagi ito ng mas malawak na pagsisikap ng Africa na harapin ang mga naiwan ng colonial era, ngunit hindi umano ito pag-atake sa Europe o sa anumang sibilisasyon.
“The world is changing. Africa also is changing,” dagdag ni Dussey. RNT/MDS