Home NATIONWIDE Unang housing units itinurn-over na sa mga pamilyang apektado ng NSCR project

Unang housing units itinurn-over na sa mga pamilyang apektado ng NSCR project

191
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules, Pebrero 4 ang pilot turnover ng mahigit 200 housing units para sa mga pamilyang ililipat dahil sa North-South Commuter Railway (NSCR) project sa Biñan, Laguna at San Fernando, Pampanga.

Ayon sa DOTr, 80 housing units ang naipamahagi noong Pebrero 3, 2026 sa ilalim ng “The Meadows Housing Project” sa Barangay Langkiwa, Biñan, Laguna.

Ang proyektong ito ay magkakaroon ng kabuuang 2,030 units sa 26 gusali, na kasalukuyang tinatapos sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan.

Sa Pampanga naman, 170 housing units ang naipamahagi na dati sa San Fernando para sa mga pamilyang naapektuhan din ng NSCR project, ayon sa DOTr.

Muling binigyang-diin ng DOTr na pinabibilis nila ang konstruksyon ng 16,725 housing units para sa mas maraming pamilyang mawawalan ng tirahan dahil sa 147-kilometrong railway project.

Bukod sa The Meadows Housing Project, gumagawa rin ang DOTr ng iba’t ibang relocation sites sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.

Kabilang sa mga relocation sites sa Laguna ang “Sining Residence II” na may 1,920 units, “Sining Residence I” na may 528 units, at “Rizal Ville” na may 2,130 units. Sa Naic, Cavite, nagkakaroon din ng relocation site na may 5,452 units.

Para naman sa north segment ng NSCR, sinabi ng DOTr na may tatlong relocation sites na ginagawa sa Pampanga sa pakikipagtulungan sa National Housing Authority (NHA).

Target din ng ahensya na mailipat ang 4,515 informal settler families mula Angeles City at San Fernando City, Pampanga patungo sa Calumpit, Bulacan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here