MANILA, Philippines – Nakabuo ng salmonella detector na kayang matukoy kung ang isang karne ba ay may salmonella sa loob lamang ng isang oras, ang team mula sa University of the Philippines (UP)-Diliman Institute of Biology (IB).
‘Yan kasi yung problema ngayon sa meat products dito sa Pilipinas, walang efficient na method para ma-check o ma-detect ang presence ng salmonella,” sinabi ni Windell Rivera ng UP-IB sa panayam ng GMA News.
Ang salmonella bacteria ay nakapagdudulot ng food poisoning Lalo na kung ang karne o itlog ay hindi nalutong maayos.
Sa pag-aaral, ang salmonella ang pangunahing sanhi ng food poisoning sa Pilipinas.
“May kasama na siyang dye sa loob, pagkatapos ng reaction mismo, mavu-view siya under UV light na may positive result agad,” sinabi ni Davin Adao, kasama sa mga bumuo sa detector.
Mahigit 1,000 meat samples ang kinolekta para sa pagbuo sa naturang detector.
“Sa LAMP method, nakakuha kami ng 100% na detection rate,” ani researcher Rance Derrick Pavon.
Para gamitin ang LAMP assay, kailangang kumulekta ng DNA sample ng bacteria at ilalagay ito sa loob ng detector.
Matapos ang isang oras ay maaari nang makuha ang resulta sa pagsuri sa kulay nito.
Kung ang kulay ay maging green, nangangahulugan na ito ay positibo sa salmonella. RNT/JGC