MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Malacañang ang panukalang UPLIFT Bill na isa sa mga prayoridad na hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na inaasahang magpapalakas sa mga programa ng pamahalaan kaugnay ng pagbangon ng ekonomiya, social protection, at ayuda para sa mga mahihinang sektor.
Ang UPLIFT ay nangangahulugang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport, isang “whole-of-government” framework na itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 110 noong Marso 24, 2026.
“Iyong UPLIFT Bill ay napag-usapan before, so, tingnan po natin kung mapapasama ito o kung may iba pang alternatibong maaaring gawin. May 19 po ang susunod na meeting,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang Palace press briefing nitong Martes na layong tugunan ang epekto sa ekonomiya ng krisis sa Middle East at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Castro, hindi maaapektuhan ng pagbabago sa liderato ng Senado ang mga napagkasunduan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.
“Kung mayroon po tayong 21 priority bills at iyan po ang huling napag-usapan sa LEDAC sa pamumuno pa po ni Senate President Tito Sotto, wala naman po dapat sigurong ipagbago dahil kung ito po ay para sa taumbayan, hindi naman dahil sa nagbago ang liderato sa Senado ay babagalan nila ang trabaho. Hindi ito makakabuti sa taumbayan at hindi rin ito makakabuti sa Pangulo at sa Kongreso,” dagdag niya.
Sa pulong ng LEDAC noong Pebrero 10, 2026, tinukoy ni Pangulong Marcos ang 21 prayoridad na panukalang batas para aprubahan ng Kongreso. Kabilang dito ang Anti-Political Dynasty Law, Travel Tax Abolition Bill, at mga amyenda sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act. (KRIS JOSE)