IRAN – Muling nagpalitan ng mga pag-atake ang Estados Unidos at Iran sa ikalawang sunod na araw ng bakbakan sa paligid ng Strait of Hormuz.
Sinabi ng Estados Unidos na ang pinakahuling opensiba nito ay nakatuon sa pagpapahina sa kakayahan ng Iran na bantaan ang malayang paglalayag sa Strait of Hormuz, kasunod ng mga pag-atake sa mga komersyal na barko sa naturang ruta.
Bilang tugon, inihayag ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na nagsagawa ito ng missile at drone attacks laban sa mga base militar ng Amerika sa Bahrain at Kuwait.
Nakarinig ng malalakas na pagsabog sa kabisera ng Bahrain na Manama, habang sinabi ng Kuwait na napigilan nito ang ilang missile at drone na umano’y inilunsad ng Iran.
Samantala, iniulat ng state media ng Iran na tinamaan ng airstrike ng Amerika ang isang railway bridge sa hilagang-silangan ng bansa at isang military base sa Bushehr, kung saan matatagpuan ang tanging civilian nuclear power plant ng Iran.
Ayon sa US Central Command (CENTCOM), humigit-kumulang 90 military targets ang kanilang pinasabugan sa pinakahuling operasyon.
Niyanig din ng mga pagsabog ang mga lungsod ng Bandar Abbas, Konarak at Chabahar, habang pansamantalang nawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Chabahar.
Nagbabala si US President Donald Trump na mas titindi pa ang mga pag-atake kapag nagpatuloy ang umano’y pag-atake ng Iran sa mga barko.
Sa kabila nito, sinabi rin ni Trump na may nakipag-ugnayan umano mula sa Iran na nagnanais na muling makipagkasundo, bagaman hindi niya isinapubliko kung sino ang kanyang nakausap.
Iginiit naman ni Iranian chief negotiator Mohammad Bagher Ghalibaf na bubuksan lamang ang Strait of Hormuz alinsunod sa mga kondisyong itatakda ng Iran. RNT/JGC