MANILA, Philippines – UMAASA ang ‘stakeholders’ sa ‘telecom sector’ na mabibigyang-pansin na ng Malakanyang ang lumulubhang problema ng bansa sa ‘cyberattacks’ at ‘cybercrimes’ sa likod ng malawakang balasahan sa loob ng administrasyong Marcos.
Sa ulat ng ‘Viettel Cyber Security Asia’ tumaas pa ng 49% ang insidente ng mga cyberattacks sa nakaraang tatlong buwan kumpara sa kaparehong panahon noong isang taon.
Taong 2024 din ng atakihin ng ‘hackers’ ang website ng Department of Science and Technology at umabot sa “2 Terabytes” ng mga datos ang nakompromiso kung saan walang naiulat sa pagkakilanlan o pagkaaresto ng mga suspek
Ayon naman sa Palo Alto Networks, mahigit 70% ng websites ng mga kompanya sa bansa ang nabiktima rin ng cyberattacks noong 2023 at 23% sa mga ito ang napilitang itigil ang kanilang mga negosyo.
Sa survey pa rin ng Palto Alto, 59% ng mga tinanong ang nagsabing kailangan nilang gumastos ng Malaki – sa panahong matumal ang negosyo at bagsak ang ekonomiya – para sa mga sistema at programa laban sa cybercrimes upang maingatan ang kanilang websites at seguridad ng kanilang mga datos.
Noong Nobyembre 5, nagyabang pa sa ‘social media’ ang grupong ‘HappyGoLuckyPH’ nang pansamantala nilang isara ang higit 60 websites ng Philippine National Police.
Ang pag-atake ang tugon ng grupo sa ‘Oplan Cyber Dome’ ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ng Department of Information and Communications Technology upang labanan ang cyberattacks.
Ayon pa kay CICC Undersecretary Renato ‘Aboy’ Paraiso, isa sa mga programa ang OCD para labanan ang hackers subalit napatunayang walang saysay nang umatake ang mga ito.
Dating dating ‘volunteer layer’ si Paraiso sa campaign headquarters ni BBM noong kampanya at nabigyan ng pwesto sa Legal Department ng DICT dahil umano sa pagiging “malapit” kay First Lady Liza Marcos at Mel Robles, general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office at kilalang namang malapit na kaibigan ng ‘First Family.’
Ayon sa tech sector sources, ‘political connection’ lang din ang dahilan kaya na-promote pa si Paraiso bilang hepe ng CICC nang sibakin ng Palasyo noong Marso si DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy.
Anila, dapat pang palawakin ni BBM ang ginagawang ‘reset’ sa gobyerno at isama ang mga kritikal na ahensiya katulad ng CICC.
Bukod kay Bureau of Internal Revenue Secretary Romeo Lumagui na sinibak noong Nobyembre 12, pinalitan na rin ngayong linggo sina Executive Sec. Lucas Bersamin, Budget Sec. Aminah Pangandaman at Political Affairs Usec Adrian Bersamin.
Simula na umano ang balasahan ng planong “reset” ni PBBM bilang tugon sa malalaking kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ng kanyang administrasyon at upang mailapit pa ang gobyerno sa publiko.
Anang stakeholders, makatutulong sa Pangulo na maglagay ng mga opisyal sa CICC na alam ang kanilang mga dapat gawin at may praktikal na plano para matugunan ang lumalaking panganib ng cybercrimes. RNT