MANILA, Philippines – Itinuro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dating miyembro ng Bangsamoro Parliament na si Edriezan Hadji Nasser Rimbang bilang umano’y mastermind sa tangkang pagpupuslit ng P3.5 bilyong halaga ng shabu mula Laos patungong Pilipinas.
Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs nitong Huwebes, sinabi ni PDEA chief Isagani Nerez na batay sa kanilang imbestigasyon, hindi lamang umano financier si Rimbang kundi siya rin ang nagplano ng operasyon.
Ayon kay Nerez, si Rimbang umano ang nagbigay ng kinakailangang pondo para sa pag-charter ng eroplanong gagamitin sa pagdadala ng ilegal na droga.
Hinala rin ng PDEA na may koneksyon si Rimbang sa isang international drug syndicate dahil nagmula sa ibang bansa ang nasabat na droga.
Sinabi ni Nerez na posibleng may iba pang kasabwat si Rimbang sa operasyon.
Noong Oktubre 1, naharang ng mga awtoridad sa Laos ang tinatayang 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon at isasakay sana sa isang pribadong eroplano patungong Pilipinas.
Kabilang sa mga iniimbestigahan si Police Master Sergeant Aileen Jane Manalo Mendoza na umano’y tumulong sa pag-aayos ng eroplanong gagamitin sa operasyon.
Kinilala rin ng PDEA ang isang Fahad Dibaroson na naaresto sa Laos at sinasabing may kaugnayan kay Rimbang sa pamamagitan ng pamilya.
Patuloy ang imbestigasyon at case buildup ng mga awtoridad.
Wala pang naitalang pahayag si Rimbang kaugnay ng mga alegasyon laban sa kanya sa oras ng ulat.
Samantala, nilinaw ng PDEA na wala pang sapat na ebidensyang nagpapatunay na ang hiwalay na malaking shipment ng ilegal na droga na nasabat sa Thailand ay patungo rin sa Pilipinas. Dave Medina