Home HOME BANNER STORY VACC kay PBBM: PNP gamitan na ng kamay na bakal sa katiwalian

VACC kay PBBM: PNP gamitan na ng kamay na bakal sa katiwalian

MANILA, Philippines – Hinimok ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) nitong Sabado, Agosto 12, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitan na ng kamay na bakal ang pulisya upang matapos na ang katiwalian at “police brutality.”

Ani VACC President Arsenio “Boy” Evangelista, kabilang dito ang mga kinasangkutang drug cases at iba pang krimen ng mga pulis.

Naglabas din ng pahayag si Evangelista laban sa anim na pulis na sangkot sa pagpatay sa 17-anyos na binatilyo sa Navotas City na napatay ng pulisya matapos mapagkamalang suspek sa kanilang isinasagawang follow-up operation.

“May pag-asa pa ba? Noong time ni [former President Rodrigo] Duterte, nakita natin na yung mga yan medyo tumino talaga yan, kung hindi man tumino, natakot. Nandoon yung climate of fear among the uniformed personnel,” sinabi ni Evangelista sa panayam ng Radyo 630.

“Siguro it is about time that BBM should [be] hands on from time-to-time or most of the time, he should be visible on national TV, kamay na bakal, matinding mensahe tungkol dito sa kapulisan,” dagdag niya.

Sinabi pa ng VACC chief na tila mas marami pa ang tiwaling pulis kaysa sa mayroong “moral high ground.”

Dahil dito, umaasa si Evangelista na sumailalim sa regular na moral evaluation at anger management training ang mga pulis.

“Pag sinabi nilang isolated case, hindi katanggap-tanggap yan sa isang biktima kamukha nitong magulang ng 17 year old. The middle of the wake naglalamay ka tapos sabihin mo ‘isolated’? Parang malaking sampal ito sa mga biktima,” aniya.

“Sana yung moral evaluation and spiritual side. Ilapit sila sa simbahan, magkaroon sila ng theology classes. Yung fear of God, ma-incorporate sa kanila,” pagpapatuloy pa nito.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na hinimok ng ilang sektor si Marcos na maging mas mahigpit sa mga opisyal na pumapalpak sa kanilang mga tungkulin.

Ngayong taon lamang, nais umano ni Rep. Joey Salceda na maging “more mean” si Marcos sa mga opisyal ng pamaalaan na sangkot sa mataas na presyo ng sibuyas dahil sa kanilang kakulangan.

“Mabait masyado, e,” sinabi ni Salceda na tumutukoy kay Marcos.

“In his persona — forget of course the politics and everything — eh mukhang mas dilawan pa kay PNoy [former President Noynoy Aquino] ito eh.”

Ganito rin ang sinabi ni Aries Arugay, chairperson ng UP Diliman Political Science department, “I mean the mere fact that President Marcos is not putting his foot strongly on certain issues, somehow gives an idea that his leadership is not as strict, not as firm, not quite the strongman that he has been portrayed in his [campaign narratives].”

“President Marcos is nicer in a sense that you don’t catch him disciplining… hindi siya nanenermon, hindi siya nagagalit. In Philippine politics if you have that kind of president, you can be easily abused,” dagdag pa niya.

Wala pang tugon ang Palasyo kaugnay nito. RNT/JGC