Home NATIONWIDE DOH nagbabala: Panganib ng heat stroke mas mataas sa pag-init ng temperatura

DOH nagbabala: Panganib ng heat stroke mas mataas sa pag-init ng temperatura

MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mataas na posibilidad ng heat stroke habang tumataas ang temperatura at pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at tiyaking well-hydrated.

Ipinaliwanag ni DOH Assistant Secretary at spokesperson Albert Domingo ang kahalagahan ng “thermoregulation” para maiwasan ang heat stroke sa isang panayam nitong Miyerkules, Mayo 1.

Ipinaliwanag ni Domingo na ang karaniwang sintomas ng heat stroke ay kinabibilangan ng pagkawala ng malay, pagkalito, at sa mga malalang kaso, ang atake sa puso.

Samantala, binanggit ni Domingo ang pinakamahinang anyo ng sakit na nauugnay sa init, ang heat cramps, na nagpapakita ng muscle cramps dahil sa dehydration at overheating.

Sinabi ni Domingo na ang “dehydration” ay isang pangunahing alalahanin sa mga kaso ng heat stroke, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng regular na pag-inom ng malinis na tubig upang manatiling hydrated.

“Yan ang pinakamalaking problema sa heat stroke. Nawawalan ng tubig kaya ang advice natin is always drink clean water,” binigyang-diin ni Domingo.

Dagdag pa ni Domingo, kung ang isang tao ay kumonsumo ng sapat na tubig ngunit hindi pa umiihi, ito ay dahil sa pagsipsip ng katawan sa tubig na iniinom.

Inihalintulad niya ang proseso ng paglamig ng katawan sa radiator ng kotse, na naglalabas ng tubig upang mabawasan ang init.

Dahil sa mga panganib na ito, hinimok ni Domingo ang publiko na manatiling mapagbantay at panatilihin ang hydration sa pamamagitan ng pag-inom ng hindi bababa sa walong baso ng tubig araw-araw upang mabawasan ang panganib ng dehydration at mga sakit na nauugnay sa init. Jocelyn Tabangcura-Domenden