Manila, Philippines – Aminado si Bulacan Vice Governor Alex Castro na naging instant fan siya ng SexBomb nang napanood niya ang unang reunion concert nila noong December 4 sa Araneta Coliseum.
Talagang very supportive si VG Alex sa misis na si Sunshine Garcia, na isa sa members ng SexBomb.
Pahayag ni VG Alex, “Thankful tayo dahil yung pagpasok ng 2026 ay maganda sa mga pinalaki ng SexBomb. Siyempre sa aking misis, I’m very proud of my wife dahil nakita ko iyong saya nila dahil nagsimula talaga na walang gustong mag-produce ng concert nila, hanggang sa tulongan na lang at eto, awa ng Diyos ay pang Rawnd 5 na. Na ang plano talaga ay isa lang, mairaos lang.
“Kasi, 25 years na nang huli silang magkakasama… Pero yung dapat na sa isang maliit na venue lang, tapos napunta sa Araneta, hanggang sa nag-MOA at nasundan pa …
“Kaya gusto ko ring magpasalamat sa mga tao sa suporta nila sa SexBomb dahil part nito ang asawa ko.”
Dagdag pa niya, “Dapat pang-finale na yung pangatlo, pero one hour lang ay na-sold out. Kaya naging pang-apat na, tapos ay na-sold out ulit. So, iyon na…”
Nabanggit niyang walang kupas talaga ang Sex Bomb.
Aniya, “Oo naman, walang kupas, sa totoo lang, noong naging mag-asawa kami ni Shine o nang naging girlfriend ko siya, hindi na siya SexBomb. Noong panahon na may Daisy Siete, nag-aaral ako kaya hindi naman ako nakakapanood ng TV. So nang nakita ko siya, sabi ko, ‘Ganyan pala ang SexBomb, talagang iconic pala talaga kayo.’
“So, naging fan ako bigla, mapapansin ninyo sa mga video na lumabas, proud na proud talaga ako dahil nakita ko rin ang hilig ng wife ko, iyong ginagawa niya rati ay medyo bumalik. Na kahit nagdagdag na nang timbang dahil kapapanganak lang ay magaling pa rin… humahataw pa rin kahit mabibiyak na yung tahi sa tiyan niya. Pero ganoon talaga e, passion niya iyan,” nakangiting sambit pa ni VG Alex.
Kailan ba siya sasayaw din sa concert ng SexBomb?
“Parang kahit mag-practice ako, wala pa ring magbabago,” nakatawang tugon niya.
“So, kaya nga ako nag-asawa ng dancer, pero iyon ang abangan nila. Marami ang nagtatanong bakit hindi raw ako sumayaw. Doon na lang ako sa gedli (gilid), support na lang ako sa asawa ko at sa SexBomb.
“Pero, malay mo magbago ang isip ko, mapasayaw din nila ako… Nakita ko kasi iyong ibang husbands nagsayaw, sina Joshua (Zamora) at Arthur (Solinap).”
Ang Get Get Aw! RAwND 3 ay magaganap sa MOA sa Feb 6, 2026, RAwND 4 – Feb. 7, 2026, at RAwND 5 – Feb. 8, 2026.
Anyway, nalaman namin na may mga offer pa rin pala si VG Alex para umarte sa harap ng kamera, ngunit hindi niya ito mahanapan ng schedule.
Esplika niya, “Mayroon pa rin naman, may offer na teleserye pa rin. Pero ang problema ay ang schedules.
“Kasi bilang Vice Governor ay talagang marami tayong trabaho, buong Bulacan ang sakop natin. Unlike noong Board Member ako at naging Kosenhal ako, certain districts lang or bayan lang.
“Kailangan talaga ay tumutok tayo sa ating trabaho at alalayan natin si Governor Daniel Fernando bilang kanyang Vice Governor.” Nonie Nicasio