MANILA, Philippines – Ang vendor ng sampaguita na inabuso ng isang security guard sa viral video ay kinilala ng mga awtoridad bilang isang 18-anyos na scholar sa isang pribadong paaralan at hindi miyembro ng sindikato.
Ayon kay Mandaluyong Police Chief Col. Mary Grace Madayag, nagbebenta ng sampaguita ang dalaga upang matulungan ang kanyang pamilya matapos ma-demolish ang kanilang bahay sa Quezon City. Dagdag pa niya, ang dalaga ay matalino at masipag, batay sa ulat ng kanilang barangay.
Sa viral na video, makikita ang dalaga na nakasuot ng uniporme ng paaralan at nakaupo sa labas ng SM Megamall nang lapitan siya ng guwardiya, agawin ang kanyang sampaguita, at itapon ito sa lupa.
Sa galit, sinubukan ng dalaga na manlaban, ngunit tinadyakan siya ng guwardiya at ilang beses na sinaktan. RNT