Home TOP STORIES VMP Regenerative Clinic, itinanggi paratang ng dating empleyado

VMP Regenerative Clinic, itinanggi paratang ng dating empleyado

3
0

MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng VMP Regenerative Clinic ang mga alegasyon ng isang dating empleyado tungkol sa umano’y maling paghawak at paggamit ng mga medical product sa paggamot sa mga pasyente nito.

Sa inilabas na pahayag, iginiit ng VMP Medical Inc. na mahigpit nitong sinusunod ang mga medical at regulatory requirements upang matiyak ang kalidad, kaligtasan at wastong pangangasiwa sa mga produktong ginagamit sa klinika.

“We categorically reject the allegations made by the former employee concerning the division or sharing of treatments. These allegations are entirely false and have no factual basis,” ayon sa kompanya.

Nauna nang iniulat ng Bilyonaryo News Channel (BNC), batay sa eksklusibong panayam nito sa isang dating empleyadong gumamit ng alyas na “Miss Dee,” ang mga alegasyon ng paghahati umano ng gamot na binayaran nang buo ng mga pasyente.

Inakusahan din ng dating empleyado ang klinika ng umano’y pagpapatuloy ng ilang treatment kahit walang kinakailangang gamot, kung saan sterile water lamang umano ang ginagamit.

Pinabulaanan naman ng VMP ang mga paratang at iginiit na bawat treatment ay maingat na inihahanda ayon sa pangangailangan ng pasyente at sa kanilang sinusunod na clinical protocols.

Ayon pa sa kompanya, gumagamit ito ng medical-grade cold-chain systems para sa wastong pag-iimbak at transportasyon ng mga produktong medikal upang mapanatili ang kalidad at sterility ng mga ito.

Samantala, umapela si VMP President Crystal Jacinto sa media na maging patas sa pag-uulat kaugnay ng kontrobersiya.

“Let’s all be fair, media. I will stand up for what is right, for the truth, for the VMP and most importantly for all of you,” ani Jacinto sa kanyang video statement.

Sinabi rin niyang naaapektuhan na ng mga akusasyon ang kanyang pamilya, mga kawani at mga pasyenteng nagtitiwala sa serbisyo ng klinika.

Binigyang-diin ng VMP na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kalusugan, kaligtasan at tiwala ng mga pasyente.

Gayunman, hindi pa independiyenteng nakumpirma ang mga alegasyon ng dating empleyado o ang mga pahayag ng klinika tungkol sa pagsunod nito sa lahat ng medical at regulatory requirements. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here