Home HOME BANNER STORY VP Sara ‘di dadalo sa SONA ni PBBM

VP Sara ‘di dadalo sa SONA ni PBBM

260
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ni Vice President Sara Duterte na hindi siya dadalo sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Ani Duterte, siya ay magtutungo sa South Korea para makipagkita sa mga Filipino doon.

Idinagdag pa niya na matapos ang kanyang pananatili sa The Hague para bisitahin ang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, bibisita naman ang common-law wife ng ama na si Honeylet Avanceña sa International Criminal Court detention facility.

“No, no SONA for me… Kasi inaano namin ‘yung 4 days a week na kasi ‘yung bisita. So, mina-maximize namin yung grants ng detention unit ng 4 times a week,” ani VP Sara.

Samantala, nagbigay din ng update si Duterte sa kalusugan ng dating Pangulo na inilarawang niyang buto’t balat na.

“Payat siya. Sobrang payat siya na hindi niyo pa siya nakita na ganito kapayat,” pagbabahagi ni Duterte.

“But para sa akin lang ha, he looks good na payat siya kesa ‘yung malaki ang tiyan, tapos parang unhealthy tingnan, parang nakakatakot para sa kanyang heart. I like him this way, medyo slim,” dagdag pa.

Nauunawaan aniya ng kanyang pamilya ang pag-aalala ng mga tagasuporta ngunit siniguro na ang pagbawas ng timbang ng dating Pangulo ay dahil sa kawalan nito ng gana kumain.

“Naiintindihan namin ‘yung concern. Dahil ‘yung pagpayat niya ay hindi naman niya kagustuhan. Dahil talaga ‘yun sa appetite, loss of appetite. Siguro sa mga pangyayari, and of course, siguro kasi hindi traditonal Filipino food, ‘yung traditional Filipino food na nakasanayan niya, hindi ‘yun ang mayroon dito para sa kanya,” ani Duterte.

Dagdag pa, ibinahagi ng Bise Presidente na siya ay nasa The Hague, Netherlands mula Hulyo 5 hanggang 23.

“Dito lang kami sa Hague. Sa duration ng duty ko… So, July 5 hanggang July 23. And then, darating sa susunod si Honeylet.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here