MANILA, Philippines – Hindi umano kumakampi sa China si Vice President Sara Duterte sa gitna ng mainit na palitan ng pahayag sa pagitan ng Chinese Embassy at ilang opisyal ng pamahalaan, ayon sa kanyang spokesperson.
Sinabi ni Atty. Paolo Panelo nitong Miyerkules na ang posisyon ng Bise Presidente ay dapat ipaubaya sa mga diplomat ang pagresolba sa gusot sa pagitan ng Pilipinas at China.
“Hindi naman po kinakampihan ni VP Sara ang China sa usaping ito—’yung parang word war na nangyayari between the ambassador and our government officials,” ani Panelo sa panayam sa Super Radyo dzBB.
Ayon sa kanya, naniniwala si Duterte na hindi dapat makisawsaw ang mga politiko, kabilang siya, sa palitan ng maaanghang na pahayag at sa halip ay hayaan ang Department of Foreign Affairs na manguna sa pakikipag-usap sa Beijing.
Giit ni Panelo, nais ng Bise Presidente na mapababa ang tensyon.
“Ang position niya po is dapat bring the temperature down. I-deescalate itong tension at hayaan ang mga diplomats natin sa Department of Foreign Affairs na makipag-usap at ayusin itong gusot na ito sa China,” aniya.
Dumating ang pahayag habang lumalala ang diplomatic row kasunod ng sinabi ni Chinese Ambassador Jing Quan na maaaring “easily win” ang China kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas, bagama’t sinabi rin nitong pinipili ng Beijing ang kapayapaan.
Tinawag naman ng Department of Foreign Affairs ang naturang pahayag na mistulang “thinly veiled threat,” habang ilang senador ang kumondena rito.
Naghain na rin si Sen. Risa Hontiveros ng Senate Resolution No. 746 na humihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Jing o hilingin sa China na i-recall ang ambassador nito.
Bilang tugon, sinabi ng Chinese Embassy na kung hindi welcome ang kanilang mga diplomat sa Pilipinas, magbibigay din umano sila ng kaparehong pagtrato sa mga opisyal ng bansa.
Nauna ring iginiit ng Beijing na nais nitong mapanatili at mapabuti ang relasyon sa Pilipinas sa kabila ng lumalalang tensyon sa West Philippine Sea. RNT