MANILA, Philippines- Hinikayat ni Vice President Sara Duterte ang mga botante na iboto ang mga kandidato ngayong 2025 May midterm elections base sa kanilang mga accomplishment at plataporma at hindi dahil sa bitbit nitong apelyido.
“Ngayong halalan, pakinggan natin ang mga pangako ng mga pulitiko, tingnan natin ang nagawa nila noon, ano ang kapasidad, ano ang abilidad,” ang sinabi ni VP Sara.
“Huwag natin iboto dahil apelyido ay Duterte, anak ni Digong. Tingnan natin kung ano ang nagawa at pinakaimportante sa lahat kung ano ang kaniyang mga pangako na pinanindigan niya, ano ang kaniyang mga gagawin para sa bansa,” dagdag niya.
Si Digong, dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ay ama ni VP Sara. Siya ang kasalukuyang chairperson ng PDP-Laban.
Matatandaang sa campaign kick-off ng nasabing political party noong Pebrero 13, nagpadala ng video message si VP Sara na nage-endorso sa PDP-Laban senatorial candidates.
“Ako ay nagtitiwalang nasa taong bayan ang kapangyarihang baguhin ang kasalukuyang takbo ng ating bayan sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong karapat-dapat, tapat at matiyagang maglilingkod sa bayan,” wika ni VP Sara.
“Kasama ninyo kaming nagdarasal para sa tagumpay ng ating mga adbokasiya, alang-alang sa kapakanan ng ating mga komunidad at kapwa Pilipino,” dagdag na pahayag nito.
Araw ng Miyerkules, sinabi ng Commission of Elections (Comelec) na sa ngayon ay may 69% o 4.8 million ballots ang na-imprenta na.
Makikita sa datos mula sa Comelec na may 34.8 million o 50.97% ng mga botante ay pawang mga babae, bahagyang tumaas sa mga lalaki na may 33.5 million o 49.03%.
Samantala, ang millennials naman ang bumubuo ng mayorya ng mga botante na may 33.74%.
Sa May 12, araw ng Lunes ang araw ng halalan. Kris Jose