DAVAO CITY, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes, Setyembre 25, na dapat sanang itinuloy ang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ngunit kinilala niyang kailangang sundin ang batas na nagpapaliban sa halalan sa 2028.
“Dapat hindi siya pinostponed pero syempre kung ano yung nasa batas yun yung masusunod,” ani Duterte.
Ayon sa bise presidente, kung naisabatas na ang postponement, kailangang ipatupad ito ng Commission on Elections (Comelec).
“So, kung merong postponement at yun ang masusunod at yan ang susundin ng Commission on Elections,” dagdag niya.
Dumating ang pahayag ni Duterte sa araw na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa 2026 BSKE.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, idaraos ang susunod na regular barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at susundan ito ng halalan kada limang taon.
Dahil dito, itinigil ang mga paghahanda para sa halalan na nakatakda sana sa Nobyembre 2026, kabilang ang paghahain ng certificates of candidacy na magsisimula sana sa Setyembre 28.
Mananatili naman sa puwesto ang mga kasalukuyang barangay at SK officials hanggang mahalal at maging kwalipikado ang kanilang mga kahalili. RNT/MDS