Home NATIONWIDE VP Sara, source ng fake news – Malakanyang

VP Sara, source ng fake news – Malakanyang

MANILA, Philippines – INAKUSAHAN ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte ng pagpapakalat ng ‘fake news’ laban kay Unang Ginang Liza’ Araneta-Marcos.

Tugon ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ukol sa kumakalat na tsismis na umiikot ngayon sa social media na hindi malaman kung saan ang Unang Ginang noong buwan ng Marso.

”Sa kaniya pala nanggaling ang fake news. Siya pala ang source ng fake news na ito na pinapakalat laban sa Unang Ginang, kay First Lady. Unang-una po, kailangan pa ba nating paniwalaan ang mga ganitong klaseng istorya na nanggagaling sa Bise Presidente?” ang sinabi ni Castro.

”Tandaan po natin, dumating si First Lady sa Pilipinas, March 10, 2025.  Kung gusto niyang alamin iyan bilang Bise Presidente ay may record po iyan. March 11, nagkaroon po ng event si First Lady with the representatives of Girl Scouts of the Philippines, that’s [March] 11, 2025,” dagdag na wika nito.

Itinanggi naman ni Castro na pinigil ng mga law enforcers si Unang Ginang Liza sa Estados Unidos, kung saan mayroon siyang working visit na magpartisipa sa Meeting of the Minds at sa Manila International Film Festival. Ang Unang Ginang ay nasa Miami, Florida at Los Angeles, California mula March 5 hanggang 8.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Vice President Sara Duterte na hindi na dapat pa nakikinig ang taumbayan kay Castro dahil ang sinasabi nito ay pawang mga “basura”.

“Lagi ko naman na sinasabi ‘no, ‘wag na tayong makinig kay Claire Castro at sa pinsan niya na si France Castro dahil nga ang kanilang pamilya ay pamilya ng garbage in, garbage out. So, basura ang lumalabas lagi sa bibig nila,” ang sinabi ni VP Sara sa isang panayam.

Si France Castro, Act Teachers partylist congresswoman ay tumatakbo sa pagka-senador sa nalalapit na halalan ay hayagang kritiko ni VP Sara, na nauna nang nilinaw ni Usec. Castro na wala siyang kaugnayan dito.

“Ayaw ko nang mag-explain kay Castro kung ano ang ibig kong sabihin. Kapag hindi niya naintindihan ay kasalanan niya ‘yun, at wala akong obligasyon na mag-explain sa kanya,” ang sinabi pa ni VP Sara. Kris Jose