MANILA, Philippines – Sinabi ng House prosecution team nitong Miyerkules, Setyembre 2, na wala pang plano na hilingin sa Korte Suprema na pababain ang 16-vote threshold para mapanagot si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Ang hakbang na ito ay magiging “premature” sa kawalan ng justiciable controversy.
Ito ay kasunod ng mga tanong kung hihilingin ba ng prosekusyon na mapababa ang threshold kasabay ng posibilidad na ang impeachment court ay humarap sa pagkakaroon ng mas mababa sa 24 senator-judges na lalahok sa proceedings.
Matatandaan na nawawala pa rin si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos magtago, habang sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta ay nasa detention, at si Senador Loren Legarda ay naka-extended medical leave.
Sa ilalim ng panuntunan ng impeachment court, kailanga nang conviction ng concurrence ng nasa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado, o 16 boto sa 24.
“Going to the Supreme Court today is a premature petition… walang justiciable controversy at the moment,” sinabi ni House prosecutor Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro PArty-List.
“Hindi naman po nagbabago ‘yung position ng prosecution. Ang pinaghahandaang bilang for conviction ng prosecution from the beginning up until today ay 16 votes. So let us not get an impression na we would want to get it down further,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, sinabi ni House trial adviser Ace Barbers na hindi pa tuluyang inaalis ng prosekusyon ang posibilidad na pagpunta sa Korte Suprema kung may mga pangyayaring magaganap na makakaapekto sa kaso.
“Kapag nagkaroon ng tamang panahon na ito ay iangat sa Supreme Court and we feel that there is an injury that has been committed or has been done, then kami mismo sa prosecution will initiate,” sinabi ni Barbers.
Sa ngayon ay tututok umano ang prosekusyon sa pagpresenta ng kaso sa halip na humiling na baguhin ang threshold.
Samantala, sinabi ni House Deputy Speaker Rep. Paolo Ortega V ng La Union na naniniwala siyang ang threshold ay dapat na ibaba sa 14 na boto.
“Klaro naman na sinasabi ng prosecutors na hindi pa iniisip ito ng team. They’re focusing on presenting the case. Basta ako, personally, gusto ko 14 ang threshold kasi simple math,” sinabi ni Ortega.
Ang 14-vote threshold ay magrerepresenta sa two-thirds ng 21 senator-judges sa halip na 24-member Senate. RNT/JGC