Home NATIONWIDE Wala pang pormal na US extradition request para kay Quiboloy —DFA

Wala pang pormal na US extradition request para kay Quiboloy —DFA

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – SINABI ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa ring natatanggap ang gobyerno ng Pilipinas ng formal request mula sa US government para i-extradite o I-deport si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy para maharap naman nito ang mga reklamong inihain laban sa kanya roon.

“As you know the Philippines has an extradition treaty with the United States of America. I wish to report that as to this date, the DFA has not received a formal extradition request,” ang sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo sa Senate panel na nag-iimbestiga sa di umano’y pang-aabuso ni Quiboloy.

Nahaharap kasi si Quiboloy sa kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Nahaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, as amended, sa Pasig court.

Bukod dito, may kinahaharap ding reklamo ang KOJC founder sa US– conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling.

Pebrero 2022 nang mapabilang naman sa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos si Quiboloy para sa mga kasong may kaugnayan sa sex trafficking, fraud, at cash smuggling.

Samantala, sinabi ni Manalo na walang foreign service posts sa US ang nakatanggap ng kahit na anumang request o assistance mula sa mga indibiduwal na maaaring naging biktima ng human trafficking na may kaugnayan sa kaso ni Quiboloy.

Sa kabila nito, nananatili namang naka-standby ang DFA ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Jesus Domingo.

“But all our foreign service posts and all our offices in the DFA stand ready, and we have been in consultation and communications with our sister agencies in government,” ang sinabi ni Domingo.

Kapuwa naman inihayag nina Manalo at Domingo ang mga bagay na ito sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay sa di umano’y ginawang pang-aabuso ni Quiboloy at ng KOJC. Kris Jose