MANILA, Philippines – Ipinakita sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations na bumaba ng 6.7 porsyento ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng gutom sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program na pinapangunahan ng Department of Social Welfare and Development.
Batay sa pag-aaral na ginawa sa 2,400 pamilyang benepisyaryo mula Pebrero hanggang Hulyo 2026, bumaba sa 26.9% mula 33.6% ang insidente ng gutom sa mga tumatanggap ng tulong mula sa programa.
Humigit-kumulang 600,000 pamilya ang tumatanggap ng buwanang food assistance sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer cards, na magagamit sa pagbili ng mga kwalipikadong pagkain sa mga KADIWA at accredited retailers.
Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at mas pinagtutuonang suportang pangnutrisyon, patuloy na pinalalawak ng pamahalaan ang programa upang umabot sa 750,000 pamilyang benepisyaryo.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang paglaban sa stunting, bibigyang-prayoridad sa susunod na 150,000 benepisyaryo ang mga buntis at lactating women. (KRIS JOSE)