Home NATIONWIDE Walang impeachment trial kung sinagot ni VP Sara alegasyon laban sa kanya,...

Walang impeachment trial kung sinagot ni VP Sara alegasyon laban sa kanya, naglabas ng ebidensiya – Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na kung malinaw na sinagot lamang ni Vice President Sara Duterte ang alegasyon laban sa kanya ay malamang na walang impeachment trial.

“Siguro kung magaling siya mag-explain sa mga tinuturo sa kanya, baka hindi na tayo nakarating sa impeachment court, dahil kung mayroon siyang maliwanag sa ebidensya na masabing wala siyang anumang bahid ng kasalanan, wala siguro tayong impeachment na pinag-uusapan ngayon,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Nag-ugat ang pahayag na ito ni Castro nang itinanggi ni VP Sara ang mga alegasyon ng na-dismis na pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid di umano siya ng pera sa bise presidente at sinabing may personal itong dahilan sa mga ibinunyag nito.

Magugunita na sinabi ni Gracioso na naghatid umano siya ng pera kay VP Sara, kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ayon sa kanya ay ipinagawa sa kanya ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Bilang paglilinaw, ipinakita ni VP Sara ang screenshot ng naging pag-uusap nila ni Velasco.

Makikita umano rito na ipinadala niya sa dating speaker ang screenshot ng affidavit ni Gracioso at tinanong kung sino ito.

Sinabi umano ni Velasco na dating security niya si Gracioso na nangasiwa ng party-list sa Samar.

Ayon kay VP Sara, sinabi rin ni Velasco na binigyan si Gracioso ng pera para mangampanya para sa naturang party-list.

Humingi rin umano ito ng pera para sa gastusin sa ospital at pambili ng gamot.

Dagdag pa ng bise presidente, sinabi ni Velasco na inalok ng kanyang asawang si Rowena na sila na ang bahala sa mga pangangailangan ni Gracioso. Gayunman, tumanggi umano ang dating pulis at iginiit na padalhan na lamang siya ng pera.

Sinabi ni VP Sara na hindi siya humingi ng permiso kay Velasco bago niya i-screenshot at ilabas sa publiko ang kanilang pag-uusap.

Binigyang-diin naman ng bise presidente na hindi siya dapat idamay sa anumang personal na alitan sa pagitan nina Velasco at Gracioso.

Samantala, sinabi ni Castro na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng konkretong ebidensya ang kampo ni VP Sara para kontrahin ang mga pahayag ni Gracioso.

“Wala pa talagang binibigay na konkretong ebidensya na na walang natanggap. So ibig sabihin nito, kung may natanggap man sila na pera, hindi ang Pangulo ang nakinabang dito, hindi ang kasalukuyang administrasyon ang nagpasa sa mga pondong hindi umano tinanggap nila,” ani Castro.

At nang hingan naman ng komento si Castro ukol sa naging pahayag ni Davao Mayor Sebastian Duterte, kapatid ni VP Sara na gusto nitong tumakbo sa national position, ang tugon ni Castro ay kailangan munang mag-pokus at unahin ang trabaho.

“Trabaho muna para sa mga kababayan natin ang unahin hindi puro pangangampanya para mai-angat ang mga sarili,” diing pahayag ni Castro.

Bumuwelta naman si Atty. Salvador Panelo Jr., tagapagsalita ni VP Sara sa pahayag ni Castro at sinabing “ironic” ang sinabi nito.

“Sino ba ang walang inatupag kung hindi political persecution at political consolidation? Sino ba ang namamahala sa bagsak nating ekonomiya? ”ani Panelo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here