MANILA, Philippines – Walang inaasahang mabubuong low-pressure area (LPA) o bagyo sa loob ng susunod na tatlong araw, mula Nobyembre 16 hanggang 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio na batay sa kanilang pagsusuri, walang namataang sama ng panahon na posibleng maging tropical cyclone sa nasabing panahon.
Gayunman, patuloy na nakaaapekto sa bansa ang easterlies at shear line na magdadala ng pag-ulan sa ilang lugar.
Ayon sa 4 a.m. weather bulletin ng PAGASA nitong Lunes, Nobyembre 16, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Caraga at Davao Region dahil sa easterlies.
Samantala, magdadala naman ang shear line ng pag-ulan at isolated thunderstorms sa Batanes.
Nagbabala ang weather bureau sa posibleng flash floods at landslides sa mga nabanggit na lugar dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, na may posibilidad ng panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms.
Wala ring nakataas na gale warning sa mga baybaying-dagat ng bansa.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga weather advisory para sa anumang pagbabago sa kondisyon ng panahon. RNT