MANILA, Philippines – Sinabi ng Quezon City Police District nitong Martes, Disyembre 30, na walang indikasyon na mayroong krimen sa pagkawala ng bride-to-be na natagpuan sa Pangasinan.
Ayon kay QCPD spokesperson Police Major Jennifer Gannaban, sa initial assessment ay nakita na walang senyales ng physical harm o forced detention sangkot si Sherra De Juan.
“Sa ngayon, dahil wala pa naman po tayong nakukuhang ibang evidence na nagkaroon nga po ng crime ay hindi pa po natin masasabi,” pahayag ni Gannaban sa panayam ng GMA News.
“Pero once po na ma-confirm natin kung sapilitan ba o hindi ‘yung pagkakapunta niya doon ay doon po tayo magko-conclude o maglalabas po ng update,” dagdag pa niya.
Physically fit din aniya si De Juan matapos sumailalim sa medical examination sa kanyang pagbabalik.
Bagamat nanghihina, maituturo itong dahil sa limitadong pagkain ng bride-to-be.
“Yun nga lang, medyo matagal lang daw na puro tubig ‘yung kanyang intake kaya parang nagkaroon po siya ng acid peptic disease.”
Tinitingnan na ng mga imbestigador ang posibilidad na sadyang umalis si De Juan, matapos na makita rin sa imbestigasyon ang posibleng alalahaning pinansyal.
Bagamat dating itinuring na person of interest ang fiance nito na si Mark Arjay Reyes, nilinaw ni Gannaban na hindi ito ikinokonsiderang suspek.
“Nabanggit din po natin ‘yan na naging person of interest siya dahil siya po ‘yung nakapagbigay po sa atin ng mahalagang information na nakatulong dito sa investigation natin,” ani Gannaban.
“Sa ngayon po wala namang evidence na nagpapakita na siya nga po ‘yung may gawa kaya hindi po natin siya maituturing na suspect,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang nagpapahinga si De Juan at inihahanda ang panayam sa oras na handa na ito. RNT/JGC